Konsentrasyon
Bunga ng labis na konsentrasyon sa merkado ng telebisyon at radyo, ipinapalagay na mababang konsentrasyon sa merkado ng mga babasahin, at mataas na konsentrasyon sa merkado ng Internet Service Provider, ang konsentrasyon ng mga manonoood, tagapakinig, mambabasa at tagasunod ng media ay naglalagay ng mataas na panganib sa pluralismo ng media sa Pilipinas.
Bakit ganoon?
Labis ang konsentrasyon sa merkado ng telebisyon dahil sa ang pangunahing apat na nagmamay-ari ng ABS-CBN Corporation, GMA Network Incorporated, TV5 Network at Nine Media Corporation ay kumakatawan sa 88.77 porsyento ng audience share. Ang resulta ay mas lalong kapansin-pansin dahil ang dalawang pinakamalaking kumpanya -- ang ABS-CBN Corporation at GMA Network na bumubuo ng isang duopoly -- ay mahigpit ang hawak sa audience share na 80.72 porsyento. Kaugnay nito: ang ika-apat na pinakamalaking manlalaro ay napakaliit (Nine Media Corporation), na may naaabot lamang na 0.45 porsyento na manonood. Ang ABS-CBN ay pagmamay-ari ng isa sa pinakamayaman at pinakamatagal na matatag na mga angkan -- ang pamilya Lopez. Ang GMA Network ay hawak ng tatlong maimpluwensiyang negosyante, sina Gilberto Duavit Sr. at Jr., Menardo at Jose Marcelo Jimenez, Felipe Gozon at ang Nine Media Corporation ay pinatatakbo ni Antonio Cabangon-Chua. Ang TV5 Network ay pagmamay-ari ng MediaQuest Holdings Incorporated, ang holding company ng PLDT Beneficial Trust Fund ng mass media conglomerate. Ito ay pagmamay-ari ng negosyanteng si Manuel V. Pangilinan (na siya rin namumuno sa iba't ibang mga negosyo sa Pilipinas) ngunit maaaring matunton pabalik sa grupo ng mga kumpanya ng First Pacific na pagmamay-ari ng Indonesian na si Anthoni Salim.
Ang mga istasyon na AM ang pinakikinggan para makakuha ng balita. Ang mga istasyon na FM, sa kabilang dako, ay kadalasang nagpapatutog ng musika. Ang mga tagapakinig na bumabaling sa mga istasyon na AM ay iyong mga naghahanap ng mga balita na sumasahimpapawid at samakatuwid ipinalalagay na humuhubog ng kanilang mga opinyon. Para sa nangungunang apat na kumpanya ng mga radyo na nagpapatakbo ng mga popular na istasyon na AM at sa ganyang paraan aktibo sa merkado ng pagbabalita sa radyo, ang ABS-CBN Corporation (DZMM 630, 24.9%) at GMA Network Incorporated (DZBB 594, 22.3%) pa rin ang angat bilang mga pangunahing istasyon. Kapansin-pansin, ang Philippine Broadcasting Service-Bureau of Broadcast Services (PBS-BBS) din, na pinatatakbo ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), ay nakaaabot ng 22.3 porsyento ng mga tagapakinig sa pamamagitan ng DZRB 738. Kasama ang ika-apat na pinakamalaking kumpanya, ang Manila Broadcasting Company (DZRH 666), naaabot nila ang 84.3 porsyento ng mga tagapakinig -- na katumbas ng mataas ng konsentrayon ng merkado ng pagbabalita sa radyo. Bukod sa gobyerno, ang mga Lopez (ABS-CBN), ang koneksyon na Duavit/Jimenez/Gozon, pati ang pamilya Elizalde(Manila Broadcasting Company), ay may pinangangatawanan sa merkado ng radyo.
TALA: Sa lahat ng oras (100%) na pinakikinggan ang radyo, ang istasyon na FM ng radyo ang pinakikinggan 89 porsyento ng oras, at 12 porsyento lamang ang sa mga istasyon na AM.
Ipinakikita nito na ang mga Pilipino ay nagbubukas ng radyo para makinig sa musika kaysa sa balita.
Ang apat na nangungunang kumpanya ng mga babasahin ay nasa parehong liga, naghahalo-halo sa humigit kumulang limang porsyento ng mambabasa bawat isa. Kahit na ang mga rating o marka o ranggo ay hindi maaaring sumahin dahil ang mga ito ay batay sa hindi masusumang "insidente ng mambabasa" (Basahin ang buong paliwanag sa pitak na "Mga Palatandaan"), ang konsentrasyon ng media ay tila mababa dahil ang pagmamay-ari ay nakakalat sa ilang mga manlalaro na may pare-parehong posisyon sa merkado. Ang media ng babasahin ay lumalabas na popular na negosyong pampamilya: ang pamilya Macasaet ang may hawak sa Monica Publishing Corporation, ang pamilya Yap ang may-ari ng Manila Bulletin Publishing Corporation, ang Inquirer Holdings ay pagmamay-ari ng pamilya Rufino-Prieto. Ang pamilya Sison na nagmamay-ari ng Sison's Publishing Corporation, na naglalathala ng pinaka-binabasang tabloid na Bulgar, ay nananatiling misteryoso -- kakaunting impormasyon ang nalalaman tungkol sa kanila.
Para sa merkado ng balita online, ang datos na makukuha ay kaugnay ng mga nag-iisang pagbisita o unique visitors at hindi bilang audience share. Ito ay nakahadlang sa pagtutuos ng konsentrasyon ng mga sumusunod sa merkado ng balita online. Ang pinakapopular na mga website, gayunman, ay pagmamay-ari ng mga kumpanya na naglalathala rin sa ibang uri ng media na nagpapalakas ng kanilang presensiya na cross-media. Ang merkado ng Internet Service Provider (ISP) bilang haligi ng imprastruktura ng online, gayunman, ay konsentrado sa humigit kumulang dalawang pangunahing manlalaro -- ang PLDT/Smart at Globe Telecom -- na siyang nagtatakda ng mga kondisyon at presyo.