The government channels: PTV 4, IBC 13, and RPN 9
Ang gobyerno ng Pilipinas ay kasalukuyang may karapatan sa pagmamay-ari ng tatlong istasyon ng telebisyon at isang network ng radyo. Iba iba ang mga antas ng pagmamay-aring ito.
Ang mga ito ay, sa telebisyon: PTV 4 o ang People’s Television Network Incorporated (PTNI), ang halos pribadong Radio Philippines Network o RPN 9 (ang CNN Philippines ngayon) kung saan may 20-porsiyentong parte ang gobyerno, at ang Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC) o IBC 13.
Bagaman pagmamay-ari pa rin ng gobyerno ang IBC, ang himpilan ay pinatatakbo na parang isang pribadong korporasyon; ito ay hindi kumukuha ng pinansiyal na suporta mula sa gobyerno at umaasa lamang sa kinikita nito sa pagbobrodkas para sa pagpapatuloy ng operasyon.
Ang RPN 9 ang himpilan kung saan ang CNN Philippines ay bino-brodkas. Ito ay isinapribado noong 2011 ngunit nananatiling hawak ng gobyerno ang 20-porsiyentong pagmamay-ari ng himpilan.
Ang gobyerno ang nagpapatakbo rin ng istasyon ng radyo na Radyo ng Bayan.
Ang lahat ng mga tanggapan ng media na ito ay nasa ilalim ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), ang opisina na namamahala sa pagpapakalat ng mga opisyal na komunikasyon ng Pangulo ng Pilipinas.
Ito rin ang tanggapan na nangangasiwa at kumokontrol sa media na pagmamay-ari ng gobyerno at ang may pananagutan sa akreditasyon at pagpapatunay sa kredensyal ng mga dayuhang mamamahayag ng media.
Ang tanggapan ay nalikha matapos pirmahan ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III noong Hulyo 30, 2010, ang Executive Order (EO) No. 4. Pinalitan ng EO ang pangalan ng Office of the Press Secretary, muling itinakda ang mga tungkulin, at itinatag ang opisina para sa mga mensahe at istratehikong pagpaplano ng Malacañang.
Sa isang pahayag noong Hunyo, sinabi ni Communications Secretary Martin Andanar na gagawing mas simple at higit na episyente ng kasalukuyang administrasyon ang mga aktibidad na may kaugnayan sa komunikasyon. Ang PCOO ay papalitan ang pangalan at magiging Presidential Communications Office o PCO at pagsasamahin ang mga kasalukuyang opisina na tatawagin na lamang na Communication Group sa ilalim ng PCO.