This is an automatically generated PDF version of the online resource philippines.mom-gmr.org/en/ retrieved on 2024/09/08 at 19:24
Global Media Registry (GMR) & VERA Files - all rights reserved, published under Creative Commons Attribution-NoDerivatives 4.0 International License.
VERA Files LOGO
Global Media Registry

Kasaysayan

Ang kabuuang anyo ng media sa Pilipinas ay produkto ng at umikot sa magulong kasaysayan na may paulit ulit na pangyayari: mga pagtatangkang pananakot -- maging noong kolonisasyon ng Kastila o Amerikano, pananakop ng mga Hapon o martial law ni Marcos -- at ang kakayahan ng media na makabawi, na nakita sa walang hupa, at kadalasang pa-lihim na pag-uulat laban sa pamahalaan.

Isa pang tema ang pag angat at pagbagsak ng iba't ibang panahon ng mga oligarka ng media, na nagkamit, nawala, at bahagyang nakamit muli ang kanilang kapangyarihan sa ekonomiya at pulitika, bago, sa panahon ng, at pagkatapos ng panunungkulan ni Marcos.

Naglatag ng pundasyon ang American-style na pamamahayag

Ang kolonisasyon ng Amerika (1898-1946) ay nag iwan ng marka sa pamamahayag at naghubog ng estilo nito: mabulaklak na wika, walang pinapanigan, na may kapares na kontribusyon mula sa matigas sa sariling paniniwala at popular na mga kolumnista. Ang mga unang istasyon ng radyo sa Asya ay nabuo noon -- marahil bilang ang brodkas media sa Pilipinas ay hindi pagmamay-ari o mahigpit na kontrolado ng gobyerno na siya ring sitwasyon sa natitirang bahagi ng kontinente. Nang mga 1930s, ang pamamahayag ay naging masigla at unti-unting napasakamay ng mga Pilipino; nag-umpisa na ang tradisyon ng mga makapangyarihang pamilya na mamuhunan sa media para magkaroon ng impluwensya sa pulitika at ekonomiya.

Biglang naputol ito nang ikalawang digmaang pandaigdig at pananakop of mga Hapon (mula 1941): ang mga pahayagan ay naging biktima, at ang karamihan ng mga patnugot ay sapilitang ikinulong o ipinatapon.

Ang panahon ng maliit na tanggapan ng media ay natapos. Nang sumunod na dalawang dekada, pinatatag ng mga oligarka ang kanilang posisyon bilang pangunahing may-ari ng mga kumpanya ng babasahin at brodkas, pinagsama sa imperyo ang higit isang uri ng media o cross-media (à link sa oligarka ng media ngayon at noon). Ang mga imperiong ito ay unti-unting naging konsentrado. Ang media bago naging pangulo si Marcos ay kahawig ng ibang mga institusyon sa Pilipinas sa isang paraan: sa ilalim ng telon ng demokrasya ang mga taong nabibilang sa mataas na lipunan ay malayang nagagawa ang pang ekonomiya at pampulitikang adyenda nang halos walang pumipigil na anumang tunay na pananagutan sa publiko.

Rehimeng Marcos: Sensura at mga crony

Inutos ni Ferdinand Marcos, pangulo mula 1965, ang pagsasara ng lahat ng pahayagan at istasyon ng brodkas nang ideklara niya ang martial law at buwagin ang Kongreso noong 1972. Nais niyang alisan ng kapangyarihan ang mga oligarka ng media, at sapilitang dinala ang mga mamamahayag at tagapaglathala sa kulungan. Nang muling buksan ang ilang mga kumpanya ng pahayagan, ang mga ito ay isinailalim sa mahigpit na pamamahala ng gobyerno. Habang nawala ang mga oligarka, ang media ay naging pag-aari ng kamag-anak ni Marcos o mga kaibigan -- ang kilalang kilala sa sama na mga crony -- isang mas konsentrado pang grupo. Ang pangangalap at pag-uulat ng balita ay sinusuri mabuti ng mga sensor na militar at inutusan -- sa pamamagitan ng tinatawag na Mass Media Council -- na huwag pansinin ang kontrobersyal at kritikal na mga istorya na maaaring makagambala sa “katahimikan ng kapaligiran”.

EDSA: Di-marahas na people power, pinanood sa buong mundo habang nangyayari

Taong 1983, ang pangunahing karibal ni Marcos, si dating senador Benigno Aquino Jr. ay pinatay pagdating mula sa Estados Unidos matapos ang ilang taon na pagkaka-distiyero. Nagresulta ito sa mga protesta sa kalsada at gutom para sa balita na naggatong sa mga umusbong na media ng oposisyon na nag ulat tungkol sa pataksil na pagpatay at iba pang pang aabuso ng rehimen.

Nanawagan ang mga mamamayan ng boykot ng “crony press” (media na pag-aari ng crony) habang ang mga media na laban kay Marcos ay nagpaigting ng hinanakit sa gobyerno at tumulong magpakilos ng suporta ng publiko para kay Corazon C. Aquino, na naging pangulo matapos mapatalsik si Marcos sa isang mapayapang rebolusyon noong Pebrero 1986. Ang pag-aalsa ay kilalang kilala bilang EDSA People Power revolution, ipinangalan sa highway (Epifanio de los Santos Avenue) kung saan higit isang milyong tao ang nagtipon-tipon sa harapan ng mga kampo ng militar at pulis para suportahan ang mga opisyal na nag kudeta.

Ang mga kritikal na sandali sa EDSA ay binigyang-buhay ng media at nai-brodkas sa buong mundo: mula sa pag brodkas ng aktuwal na bakbakan sa pag-agaw ng pangunahing istasyon ng telebisyon hanggang sa biglang pag putol sa talumpati ni Pangulong Marcos, ang buong mundo ay nanonood.

Pagbagsak ng sistema at ang pag angat ng mga dating nabibilang sa mataas na lipunan

Sa pagbagsak ng rehimeng Marcos, ang 14-na-taong sistema ng kontrol sa media ay bumagsak sa isang magdamang. Sa nabakanteng espasyo nagkumahog pumasok ang mga bagong pahayagan at mga istasyon ng radyo at telebisyon habang ang mga kumpanya ng media na pag-aari ng mga crony ay inilit ng bagong gobyerno. Sa siksikan at lumalaking merkado ng media pagkatapos ng pagbagsak ni Marcos, ang mga organisasyon ng media na nakagawa ng pinakamabentang pormula ang lumabas na nangingibabaw. Ang mga kumpanya ng media ay napunta na sa kamay ng pribadong sektor -- maliban sa mga himpilan ng telebisyon at radyo na naging pag-aari na ng gobyerno. (LINKS TO GOVERNMENT CHANNELS) Ang ilan sa mga oligarka noon pang bago maging pangulo si Marcos ay nabawi ang kanilang mga kumpanya ng media na kinuha sa kanila ng pamahalaan, halimbawa, ang pamilya Lopez.

Ang pagbagsak ni Pangulong Estrada -- isang rebolusyon na inilunsad ng text message

Ang magulo at maingay na media, ang paglalarawan sa pamamahayag sa Pilipinas pagkatapos mabawi nito ang kalayaan, ay laging nagpapahirap sa mga may kapangyarihan. Sina Pangulong Corazon Aquino at Fidel Ramos maaaring hindi naging kumportable pero nagawang pagtiisan ang pagbabantay ng media, dahil alam nila ang papel nito sa demokrasya.

Pero si Pangulong Joseph Estrada ay hindi gaano naging mapagparaya.

Nagalit sa mga balita tungkol sa kanya umanong katiwalian, ginamit niya ang kapangyarihan ng estado sa pamamagitan ng pagsasampa ng kasong libelo laban sa isang pahayagan. Batid na ang mga patalastas ang bumubuhay sa mga kumpanya ng media, naglunsad siya ng kampanya para huwag mabigyan ng patalastas ang isang pahayagan. Pinagbantaan din niya ang mga may-ari ng media ng pag-odit sa kanilang buwis. Ipinakita nito kung paano maaaring takutin ang media sa marami at bagong mga paraan nang hindi hayagang nilalabag ang umiiral na konstitusyonal at legal na garantiya na sa teorya ay nagbibigay ng proteksyon sa malayang pamamahayag.

Ang mga tangkang pagsakal ni Estrada sa mga kumpanya ng media ay nagbumerang. Ang popular na pagkilos na humantong sa pagbagsak ni Pangulong Estrada noong Enero 2001 ay napabilis gamit ang makabagong teknolohiyang pang komunikasyon. Ang unang maliit na grupo ng mga aktibista at pulitikong kasapi ng oposisyon ang nag umpisa ng kampanya na ilantad ang mga kamalian ng panguluhang Estrada. Walang gaanong boses sa mga pangunahing media noong umpisa, napilitan silang gumamit ng mga e-mail, website, at nagkalat ng impormasyon at mga biro sa pamamagitan ng SMS.

Nang tumaas ang kamalayan ng publiko kaugnay ng kanyang mga krimen, ang mga mambabasa at manonood na mismo ang humiling ng mas maayos na pangangalap at pag-uulat ng balita na siyang nagpalakas sa malayang pamamahayag sa lahat ng mga silid-pambalitaan sa buong bansa, at sa huli napilitan ang mga pangunahing media na sundan at ibalita ang paglilitis ng isinampang kaso ng impeachment laban kay Estrada (2000).

Ang media sa ilalim ni Pangulong Arroyo, Aquino at Duterte

Sa ilalim ng panguluhan ni Gloria Arroyo, ang pag-atake sa media ay ginawa ng kanyang asawa, si Jose Miguel T. Arroyo, sa pamamagitan ng mga kasong libelo laban sa 46 mamamahayag. Ang mga kaso ay isinampa ng Unang Ginoo sa loob ng tatlong taon -- mula 2003 hanggang 2006 -- at humingi ng kabuuang P140-milyon bilang danyos. Lumaban ang mga mamamahayag at nagsampa rin ng P12.5-milyong class suit laban sa Unang Ginoo. Kinalaunan iniurong ni Arroyo ang mga kasong libelo na isinampa niya noong Mayo 3, 2007, sa pag gunita ng World Press Freedom Day.

Si Pangulong Benigno Aquino III ay hindi tinupad ang kanyang pangako noong kampanya na isulong ang pagpasa ng Freedom of Information Law na makatutulong sa pagpapalawig ng transparency at pananagutan sa pamumuno.

Sa kanyang unang buwan sa panguluhan, si Pangulong Rodrigo Duterte ay naglabas ng executive order para sa Freedom of Information sa kagawaran ng ehekutibo. Gayunman, mayroon itong 166 exemptions o mga sitwasyon na hindi saklaw ng kautusan.

  • Project by
    VERA Files
  •  
    Global Media Registry
  • Funded by
    BMZ