Mga Kumpanya ng Media: Duopoly ang nangingibabaw
Ang mga network ng media na ABS-CBN Corporation at GMA Network Incorporated ang nangingibabaw sa merkado ng media pagdating sa kabuhayan. Kung isaalang-alang ang kita ng 29 na pinakamalaking kumpanya ng media, ang ABS-CBN Corporation at GMA Network Incorporated ay may pinagsamang market share na 79.44 porsiyento. Kahit na ang badyet para sa mga patalastas ay hindi nakukuha ng lahat ng kumpanya ng media, makikita sa kalakaran na ang dalawang malaking kumpanya ang may pinakamalaking pakinabang sa pagbebenta ng ispasyo para sa patalastas, kung saan ang telebisyon ay nakakukuha ng pinakamalaking parte.
Pareho ang ABS-CBN Corporation at GMA Network Incorporated na nagpapatakbo sa magkabilang mga sektor ng media at naghahain ng pinaka-pinanonood, pinaka-pinakikinggan at pinaka-maraming click na nilalaman. Pag pinagsama, sila ay may 80.72 porsiyento ng manonood sa pamamagitan ng kanilang himpilan sa telebisyon na ABS-CBN 2 at ABS-CBN Sports + Action para sa ABS-CBN Corporation, at GMA 7 at GMA News TV para sa GMA Network Incorporated. Sila ay mayroon din 47.2 porsiyento ng tagapakinig sa radyong FM sa pamamagitan ng DZMM 630 (ABS-CBN Corporation) at DZBB 594 (GMA Network Incorporated).
Dahil ang telebisyon at radyo ang pinaka-ginagamit, at telebisyon ang pinaka-pinagkakatiwalaang pinagkukunan ng impormasyon tungkol sa pulitika sa Pilipinas, sila ang malamang na may impluwensya sa opinyon ng madla. Ang parehong network ng media ay mayroon din mga popular na online website na nag-uulat ng mga balita, na nagpapalakas ng kanilang presensiya na cross-media.
Ang mayaman at maimpluwensiyang negosyante na si Manuel V. Pangilinan ay may interes din sa lahat ng sektor ng media sa pamamagitan ng kanyang MediaQuest Holdings Incorporated na humahawak sa TV5 Network Incorporated (telebisyon, radyo, online), Nation Broadcasting Corporation (radyo, telebisyon) at Hastings Holdings (babasahin). Gayunman, ayon sa datos ng 2014, sila ay nahuhuli pagdating sa pananalapi, at ang TV5 Network Incorporated ay tumatabo nang nalulugi ($-82.43 milyon). Ang kanyang mga kumpanya ng telekomunikasyon, gayunman, ang nagbabalanse dahil ang PLDT at Smart telecommunications ay kumita ng $3,652 milyon, para sa tubo na humigit kumulang na $569 milyon.
Ang merkado ng babasahin ay mas pantay ang distribusyon sa mga may interes dahil sa sari-saring uri ng tabloid at broadsheet, kung saan ang mga tabloid na nakatuon sa entertainment ang mas binabasa kumpara sa mga broadsheet.