This is an automatically generated PDF version of the online resource philippines.mom-gmr.org/en/ retrieved on 2024/09/08 at 09:43
Global Media Registry (GMR) & VERA Files - all rights reserved, published under Creative Commons Attribution-NoDerivatives 4.0 International License.
VERA Files LOGO
Global Media Registry

Kasunduan ng Globe, PLDT binubusisi ng PCC

Ang mga taong nagrereklamo sa hindi maayos at mahal na koneksyon sa internet at masamang mobile service sa bansa ay matagal nang umaasa sa pagpasok ng ikatlong kumpanya para umayos ang serbisyo ng Globe at PLDT.  

Pero hindi ito nangyari.

Noong 2015, sinubukan ng San Miguel Corporation (SMC) na makipagsosyo sa Australianong kumpanya na Telstra para magkaroon ng alternatibo sa dalawang internet provider. Ang panukalang sosyohan ay hindi natuloy. Ang mahahalagang pag-aari ng SMC ay binibili ng Globe at PLDT, kung saan ang Smart ay isang sangay, sa isang P69.1-bilyong kasunduan na magpapanatili ng duopoly sa industriya ng telekom.

Pero tinanggihan ng bagong tatag na Philippine Competition Commission (PCC) ang bilyun-bilyong alok na isinumite ng Globe at PLDT noong Mayo 30 dahil sa “kakulangan at may-kamalian sa pamamaraan at nilalaman at nangangailangan ng karagdagang impormasyon.” 

Ang PCC ay binigyan ng kapangyarihan ng Republic Act 10667, o ng Philippine Competition Act, na “magrepaso at ipagbawal ang pagsasama-sama at bilihan na sa pangkalahatan ay makahahadlang, makakalimita, o makakabawas sa kumpetisyon sa may kinalamang merkado. 

Ang Globe at PLDT ay naglabas ng magkahiwalay na liham na ipinagtatanggol ang kanilang pagtupad sa mga alituntunin ngunit nagpasa rin ng panibagong materyal sa otoridad ng kumpetisyon.

Sa isang pahayag, sinabi ng PCC na ito ay may "masidhing interes" sa negosasyon dahil ang paghahangad ng madla na magkaroon ng mas mura at mas mabilis na internet ay “maaaring mahadlangan ng kakulangan ng kumpetisyon sa sektor.” Sinubukan ng dalawang kumpanya na harangin ang pagrerepaso ng PCC sa pamamagitan ng pagsasampa ng temporary restraining order sa Court of Appeals, ngunit ibinasura ito ng korte.           

Ang Globe Telecom, Inc. ay nirehistro sa Securities and Exchange Commission noong 1935. Ito ay sinasabing nagbibigay ng serbisyo ng mobile at broadband sa 55 milyong tao. Ang mga may-ari ng Globe ay kinabibilangan ng dayuhang kumpanya na Singapore Telecom (SingTel) at Ayala Corporation, kung saan si Jaime Zobel de Ayala ang chairman. 

Ang Smart, samantala, ay buung-buong pag-aari ng Philippine Long Distance Telecommunication (PLDT) Company ni Manuel V. Pangilinan. Ito ay sinasabing may higit 68.9 milyong cellular at broadband subscriber. Sa kanyang libro na Colossal Deception, How Foreigners Control our Telecom Sector sinabi ng ng mamamahayag na si Rigoberto D. Tiglao  na ang may pinakamalaki at may kontrol na  stockholder sa PLDT ay talagang  ang Indonesian mogul ba si Anthoni Salim sa pamamagitan ng kanyang kumpanya na First Pacific na naka-base sa HongKong kung saan si Pangilinan ay naka-upo bilang managing director and chief executive officer

Sinabi ni National Telecommunications Commission Deputy Commissioner Edgardo Cabarios na ang ikatlong kumpanya ay mahihirapang makapasok sa merkado dahil 70 porsiyento ng merkado ng internet ay nagtitipon-tipon sa mga pangunahing lugar sa Pilipinas gaya ng Metro Manila, Subic, Clark at Calabarzon (Cavite, Laguna, Rizal at Quezon).

“Ang PLDT (at) Globe … ay may parehong gastos pero pinaglalabanan nila ang maliit na merkado doon kaya ang gastos mo ay doble pero ang merkado mo pareho,” sabi ni Cabarios.

Sinabi niya na ang gobyerno ay kailangan tumulong na ibaba ang presyo sa pamamagitan ng paglikha ng pangangailangan, at ito ay magagawa sa pagtatakda ng libreng Wi-Fi sa ilang mga lugar.

Isang proyekto ng Department of Information and Communications Technology (DICT), ang inisyatibo na magkaroon ng libreng wifi ay naglalayong magbigay ng 256 kbps sa mga pampublikong lugar tulad ng mga parke, plaza, pampublikong eskwelahan, aklatan at ospital ng gobyerno, bukod sa iba pa.

Ayon sa panayam sa National Telecommunications Commission (NTC), walang plano ang gobyerno na magtayo ng alternatibong imprastruktura ng internet. Ang problema ay kung makikipagkumpitensiya ka sa dalawang ito, kailangan mong pag-isipan ng makalawang beses  kung makakakuha ka ng sapat na trapik para kumita ng sapat. Ang hadlang sa pagpasok sa merkado ng ISP ay tila napakataas para sa gobyerno. Ang puna ng NTC: "Kapag ikaw ay pumasok sa telekom, ikaw ay namumuhunan ng bilyun-bilyong dolyar. paano ka makakabawi?"

  • Project by
    VERA Files
  •  
    Global Media Registry
  • Funded by
    BMZ